-- Advertisements --

Ipinag-utos ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr. ang pagbili ng mga sando at tuluy-tuloy na suplay ng tubig sa lahat ng piitan sa gitna ng tumataas na heat index levels.

Sa isang statement, inatasan ni Catapang si Health and Welfare Services acting director at New Bilibid Prison Hospital chief CT/CSupt. Ma Cecilia Villanueva, na maghanda hinggil dito.

Ito ay iba sa nakagawiang isinusuot ng mga preso na kulay orange na t-shirts.

Ginawa ng BuCor chief ang naturang direktiba matapos ianunsiyo ng state weather bureau na nagsisimula ng mag-transition ang bansa mula sa tag-ulan patungo sa panahon ng tag-init.

Maliban dito, naglabas na din ng memorandum na nag-aabiso sa karaniwang mga sakit na nakukuha kapag summer season, kung saan in-adopt dito ang health tips na inisyu ng Department of Health.