Nagpaliwanag ang Bureau of Corrections (BuCor) sa kanilang pagkansela ng pribilehiyo ng mga preso sa pitong penal colonies sa buong bansa, lalo na sa New Bilibid Prison.
Sa pinakahuling tala, nasa 45,000 mga preso na nasa mga penal institutions sa kasalukuyan.
Ayon kay BuCor chief Director General Nicanor Faeldon, ito raw ay dahil sa patuloy na pagpuslit ng mga kontrabando sa loob mismo ng mga piitan.
Kabilang sa mga hindi na papahintulutan ng BuCor ay ang pagdalaw sa mga preso, maging ang mga libangan ng mga ito gaya ng paglalaro ng basketball.
Dismayado rin umano si Faeldon dahil sa nagpatuloy pa rin daw ang mga iligal na aktibidad kahit na nagkausap na sila ng mga lider ng mga preso.
Batay sa naturang usapan, makikipagtulungan umano ang mga ito sa mga kinauukulan upang masawata ang mga maling gawain sa loob ng kulungan.
“So ‘yung initially na 100 percent na usapang maginoo eh bumababa nang bumababa kasi hindi naman sila seryoso sa pagtulong na i-police because we asked them to police their ranks,” wika ni Faeldon.
Isa rin umano sa mga rason ng deklarasyon ay ang pagkakaroon ng drug transaction ng drug convict na si Rustico Ygot sa mga contact nito sa Cebu.
Mula naman sa maximum security compound kung saan ito nakapiit, inilipat naman ito sa isang preventive cell para sa mas masusing monitoring.