Nanindigan ang Bureau of Corrections (BuCor) na namatay ang dinismiss na pulis na si Jonel Nuezca dahil sa atake sa puso sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa noong nakaraang linggo.
Bagama’t hindi pa naglalabas ng autopsy report ang National Bureau of Investigation (NBI), naniniwala ang mga opisyal ng bilangguan na si Nuezca ay namatay sa cardiac arrest.
Sinabi ng tagapagsalita ng BuCor na si Gabriel Chaclag na batay sa inisyal na pagsisiyasat at medikal na eksaminasyon, namatay si Nuezca dahil sa “natural cause.”
Inaasahan ng BuCor ang resulta ng autopsy ni Nuezca sa loob ng linggo upang makumpleto ang ulat ng imbestigasyon.
Dagdag pa ni Chaclag na batay sa mga medikal na pagsusuri na isinagawa ng mga doktor ng NBP, ang katawan ni Nuezca ay walang nakitang senyales ng tortyur o karahasan.
Sinabi niya na ang resulta ng autopsy ng NBI ay magsilbing “closure” sa pagkamatay ng convict.
Sinabi naman ng Philippine National Police na magbibigay ito ng tulong sa pamilya ni Nuezca, na tinanggalan ng lahat ng kanyang benepisyo matapos siyang matanggal sa PNP noong unang bahagi ng taon.
Ayon kay PNP chief Gen. Dionardo Carlos na inutusan niya ang Tarlac police na makipag-ugnayan sa pamilya ni Nuezca.
Magugunitang, noong Agosto, hinatulan si Nuezca sa pagpatay kay Sonia Gregorio, 52, at anak nitong si Frank Anthony, 25, kasunod ng pagtatalo sa paggamit ng improvised firecracker noong Disyembre 20, 2020.
Hinatulan ng korte ng Tarlac si Nuezca ng habambuhay na pagkakakulong.