Bumwelta ngayon si Bureau of Corrections Officer in Charge Gregorio Catapang Jr. sa suspendidong BuCor chief Director General Gerald Bantag.
Kasunod ito ng mga alegasyon ni Bantag laban sa administrasyon hinggil pa rin sa kaso ng pagpatay sa mamahayag na si Percy Lapid kung saan siya nadawit.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines ay sinabi ni Catapang na hindi na raw niya maintindihan pa ang takbo ng pag-iisip ni Bantag.
Una rito ay nagbabala din kasi ang suspendidong BuCor chief kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa pagtitiwala kay Catapang dahil ito aniya ang ikababagsak ng kaniyang administrasyon.
Ngunit ngayon naman ay inaakusahan ni Bantag ang Marcos administration na sineset-up umano siya nito para sa layuning palitan ang lahat ng tauhan sa Bureau of Corrections ng kanilang sariling tao.
Sa palagay naman ni Catapang, ang kaniyang pagrerelieve sa mga tauhan ni Bantag ang ikinagagalit nito sa kaniya.
Pag-upo niya raw kasi sa BuCor bilang officer in charge ay agad niyang pinag-aralan ang sitwasyon at sistema dito, kasabay ng unti-unting pagsasaayos sa iregularidad sa loob nito na alinsunod naman sa utos ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
Samantala, bukod sa mga alegasyon na ibinato ni Bantag kay Catapang ay tinawag din niya na kahihiyan, walang kredibilidad at dapat nang magbitiw sa pwesto si Justice Secretary Remulla kasabay ng kaniyang akusasyon na si Remulla ay ang utak naman daw ng marijuana importation sa bansa.