Tiniyak ni Justice Sec. Menardo Guevarra ang suspensyon ng mga opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) na dawit sa issue ng pagbebenta ng good conduct time allwance (GCTA) ng mga preso sa New Bilibid Prison.
Sa isang panayam sinabi ni Guevarra na agad niyang ire-rekomenda sa mapipiling bagong officer in charge ng BuCor ang suspensyon sa serbisyo ng mga opisyal na itinuturong nasa likod ng umano’y GCTA for sale.
Ito’y matapos sibakin bilang BuCor director general si Capt. Nicanor Faeldon.
Kung maaalala, lumutang ang pangalan nina Correctional Senior Inspector Major Maribel Bansil at Documents division head Staff Sergeant Ramoncito Roque na nagsabwatan umano sa pangingikil ng P50,000 kapalit ng paglaya ng isang inmate.
Kinumpirma ito ng witness na si Yolanda Camelon na noong Pebrero umano inalok ni Bansil ng GCTA. Personal pa raw nila itong inhatid sa bahay ni Roque.
Bagay na pinuna ni Senate Blue Ribbon Committee chair Sen. Richard Gordon dahil tila hinayaan lang ni Roque ang tangkang panunuhol noon ni Camelon.
Batay sa inisyal na record ng BuCor, siyam na heinous crime convicts na ang sumuko sa kanilang headquarters sa Muntinlupa City.
At habang pino-proseso ng kanilang hanay ang dokumento ng mga ito ay balik kulungan muli ang mga nakalayang convict.
Bukod sa processing, nakatakda rin i-recompute ang GCTA ng mga ito pero ayon kay BuCor spokesperson na si Senior Inspector Eusebio del Rosario hindi pa sigurado kung magi-inhibit Roque sa recomputation dahil parte ito ng kanyang mandato.
Mula 2014, nasa higit 22,000 na ang bilang ng convicts na napalaya sa New Bilibid Prison dahil sa GCTA. Nasa halos 2,000 mula rito ang sinentensyahan dahil sa karumal-dumal na krimen.