Malaki umano ang posibilidad na madiin sa patung-patong na kaso ang mga kawani ng Bureau of Corrections (BuCor) na dawit ngayon sa issue ng sinasabing bentahan ng good conduct time allowance (GCTA) sa New Bilibid Prison.
Ito ang sinabi ni Senate Committee on Justice chair Sen. Richard Gordon, sa pagsasara ng ikaapat na araw ng Senate hearing sa kontrobersyal na GCTA for sale.
“Santos is in hot water now. Unang-una nagsabi na siya ng totoo. Sinabihan ko siya pero obviosly hindi siya nakinig. Sinabi niya na alam na yung (Department of Justice) Order 953. Kaya ang palusot nila malabo,” ani Gordon.
Ilan sa mga lumutang na bagong anggulo ng kontrobersya ang pakikipag-shabu jamming umano ng legal division head na si Atty. Frederic Santos sa mga drug lord sa loob ng Bilibid.
Pinagusapan din ang paglabas papuntang South Korea para magpagamot ng isang inmate na nabaril sa kulungan.
Naglabas naman ang witness na si Yolanda Camilon ng voice recording ng usapan umano nila ng itinuturing middleman sa kanyang ibinayad na P50,000 na si Corrections Officer 3 Veronica Buño.
“Sir negative, hindi ko siya kilala (Camilon) at wala po kong intensyon na tawagan o kausapin siya kasi hindi ko siya personal na kilala,” ani Buño.
“Narinig ko yung ‘negative’ doon sa telepono niya (recording ni Camilon),” ani Gordon.
“As form (of term) lang po sa aming mga uniformed personnel,” depensa ni Buño.
“Kaya nga, ginamit mo rin sa kanya (sa tawag ni Camilon) at sa akin yung ‘negative’ dalawang beses,” sagot ni Gordon.
Muli namang nagisa ang Documents Division Head na si Staff Sgt. Ramoncito Roque dahil sa pagtanggap nito ng P10,000 bayad mula kay Camilon.
Lumutang din ang bagong witness na si Godrey Gamboa na live-in partner ng unang whistleblower na si Yolanda Camilon.
Ayon kay Gamboa, matagal ng talamak ang bentahan ng GCTA sa loob ng Bilibid pero takot umanong magsalita ang mga inmate dahil sa banta ng mga opisyal.
Gayunpaman, sinabi nito na wala siyang narinig na kontroberysa noong panahon nina Sen. Ronald Dela Rosa at Capt. Nicanor Faeldon bilang BuCor director general.
Inabot ng limang oras ang pagdinig ng Senado ngayong araw at ayon kay Committee chair Gordon sisikapin nilang tapusin ito sa Huwebes bago siya sumalang sa hearing ng 2020 budget.