Nagpalayang muli ang Bureau of Corrections ng karagdagang Person Deprived of Liberty mula sa iba’t ibang kulungan sa bansa.
Sila ay pinalaya matapos na magtapos ang kanilang hatol, napawalang sala,nabigyan ng parole, at nakapasa sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Batay sa datos ng ahensya, aabot sa 168 na mga inmate ang kanilang pinalaya mula sa New Bilibid Prison sa lungsod ng Muntinlupa.
Kaugnay nito ay tiniyak ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. na patuloy na madadagdagan ang bilang ng mga mapapalayang bilanggo sa mga susunod na buwan.
Ito ay bahagi rin ng layunin ng gobyerno na mabawasan ang siksikan sa mga kulungan sa bansa.
Layon rin nitong palabasin ng piitan ang mga pasok na sa pamantayan para makalaya.
Samantala, ang mga pinalayang PDLs ay nakatanggap naman ng cash assistance, grooming kit, transportation allowance, at iba pa.
Sinabi naman ni Catapang na mula nang magsimula siyang pamunuan ang BuCor ay pumalo na sa 9,813 ang napalaya nitong PDLs.