-- Advertisements --

Pinasalamatan ni Bureau of Corrections Director General Gregorio Catapang Jr. ang Korte Suprema dahil sa walang patid nitong suporta sa mga PDL o Persons Deprived of Liberty sa bansa.

Ginawa ng ahensya ang pahayag matapos ang matagumpay na pagdaraos ng art exhibit and sale na pinamagatang “Mga Pinta ng Pag-asa Mula sa Puso ng mga PDL”.

Itinampok dito ang mga likhang sining ng mga inmate mula sa Maximum Security Compound; School of Fine Arts, Education and Training Section, Medium Security Compound; at Work and Livelihood Section ng Medium Security Compound sa New Bilibid Prison.

Partikular na pinasalamatan ni Catapang si Chief Justice Alexander Gesmundo at maging si Associate Justice Jose Midas Marquez na siyang personal na nanguna sa proyekto at pumili ng likhang sining na isinali sa ginanap na exhibit.

Pormal ding ipinaabot ng Korte Suprema ang kabuuang halaga na P653,500 sa mga PDLs.

Ito ang halagang kinita ng 100 mula sa 116 paintings sa exhibit na idinaos sa Supreme Court mula buwan ng February 13 hanggang February 16 ng kasalukuyang taon.

Ayon kay Catapang, ang halagang ito ay malaking bagay para sa mga PDLs partikular na sa kanilang mga pamilya.

Ang mga programa ring ito ay makatutulong upang maipahayag ng mga bilanggo ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagpipinta na makatutulong naman sa kanilang reformation o pagbabagong buhay.