Nangakong muli ang mga lider ng mga preso kay Bureau of Corrections (BuCor) chief Nicanor Faeldon na makikipagtulungan ang mga ito sa pagsawata sa iligal na mga aktibidad sa mga penal colonies.
Nitong Martes nang ideklara ni Faeldon ang kanselasyon sa lahat ng mga pribilehiyo ng nasa 45,000 mga preso sa buong bansa.
Sa pakikipagpulong ni Faeldon sa mga lider ng mga pangkat ng mga bilanggo sa New Bilibid Prison (NBP), muli nitong iginiit na lahat umano ay magdurusa sa magiging pagkakamali ng iisa.
Partikular na tinukoy ni Faeldon ang isyu sa pagpupuslit ng samu’t saring kontrabando sa loob ng mga piitan.
Ipinunto rin ng hepe ng BuCor na patuloy pa rin daw ang pagpapasok ng mga ipinagbabawal na kagamitan sa loob ng kulungan sa kabila ng “usapang maginoo” nila ng mga lider ng mga preso.
Samantala, magkakaroon umano ng mga surprise inspections sa loob ng mga selda kung saan ibabatay sa magiging assessment ng mga otoridad ang pasya kung ibabalik nang muli ang mga pribilehiyo ng mga inmate.
Nagbigay na rin umano kay Faeldon ang mga lider ng isang listahan ng pangalan ng mga sinasabing pasaway na mga preso.
Sa ngayon, hindi pa tiyak kung kanilang maibabalik ang visitation privilege ng mga bilanggo.