Inanunsyo ng Bureau of Corrections ang plano nitong paglalagay ng Kadiwa Store sa loob ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
Ayon kay Bureau of Corrections Director General Gregorio Catapang Jr, makakatuwang ng kanilang kawanihan ang Department of Agriculture upang maisakatuparan ang naturang plano.
Paliwanag ni Catapang, ito ay tatawaging Pambansang Bentahan sa Bilibid Muntinlupa o PBBM.
Plano rin nila na ihabol ang paglulunsad nito sa nalalapit na kaarawan ni Pangulong Bong Bong Marcos Jr sa September 13 ng taong ito.
Sa ilalim ng naturang programa, magtatayo ang Bureau of Corrections ng Trading Post para sa mga wholesaler at retailer na gustong makamura.
Ang trading center rin ang magsisilbing bagsakan ng mga wholesalers at suppliers na kung saan maaaring direktang makapamili ang mga retailers.
Sa ganitong paraan rin aniya ay maiiwasan na ang pagkakaroon ng middleman na nagiging dahilan upang tumaas ang presyo ng iba’t-ibang pananim at pagkain.
Sinabi rin ng opisyal na pansamantala nilang tataniman ang aabot sa 300 ektarya na lupain ng BuCor ng mga sumusunod na fast crops;
*talong
*okra
*sili
*sibuyas
*pangunahing sangkap tuwing pasko
Bubuksan rin ng BuCor ang kanilang Agri Park bilang Agri Eco-Tourism Farm
Ito ay alinsunod aniya sa food security ng pamahalaan na ang pangunahing layunin ay mapababa ang presyo ng mga pagkain sa Metro Manila.
Kung maaalala ,sumipa ng husto ang presyo ng sibuyas sa mga merkado ilang buwan na ang nakalipas at umabot pa ito sa P700 per kilo.