Tiniyak ng Bureau of Corrections (BuCor) na walang whitewash o hindi nila pinagtatakpan ang isyu ng strip search na ginagawa sa mga dumadalaw sa mga preso sa New Bilibid Prison sa gitna ng paggulong ng imbestigasyon ng Commission on Human Rights kaugnay sa naturang insidente.
Paliwanag ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. na nakikipagtulungan sila sa imbestigasyon para patunayan na wala silang itinatago.
Sa katunayan ay malugod din nilang tinanggap ang imbestigasyon ng CHR na nagsimula noong araw ng Lunes.
Ginawa ng BuCor official ang pahayag matapos na sabihin ng advocacy group na Karapatan na posibleng may whitewash na nangyayari sa imbestigasyon.
Samantala, ipinaalala din ni Catapang na ang CHR ang nangunguna sa naturang imbestigasyon kaya paano aniya nila pagtatakpan ito.
Maliban dito, ang 7 corrections officers na direktang sangkot sa strip cavity search ay nag-aantay na ng subpoena mula sa CHR para magsumite ng kanilang sworn statements.