Itinalaga na ni Pangulong Rodrigo Duterte si Department of Budget and Management (DBM) Sec. Benjamin Diokno bilang bagong gobernador ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Kinumpirma ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang nasabing ulat kasunod ng Cabinet meeting nitong Lunes ng gabi.
Agad naman umanong manunungkulan si Diokno sa bago nitong puwesto sa araw ng Martes, Marso 5.
Nakatakdang punan ni Diokno ang nabakanteng puwesto ni dating BSP Governor Nestor Espenilla Jr. na matatapos pa sana ang termino sa Hulyo 2023.
Nitong Pebrero 23 nang namayapa si Espenilla dahil sa sakit nitong tongue cancer.
Sa kasalukuyan, hindi pa malinaw kung sino naman ang hahalili kay Diokno bilang kalihim ng DBM.
Matatandaang nagkaroon din ng gusot sa pagitan ni Diokno at ng mga mambabatas nitong nakaraang mga linggo dahil sa umano’y singit na pondo sa 2019 national budget, na mariin namang pinabulaanan ng opisyal.
Kaugnay nito, ayon kay Finance Sec. Carlos Dominguez, hindi umano makukuwestiyon ang kakayahang magsilbi ni Diokno dahil sa pagiging eksperto nito sa macroeconomics at sa malawak nitong karanasan sa pamamahala sa gobyerno at sa pribadong sektor.
“Dr. Benjamin E. Diokno brings together that elusive combination of seasoned technocrat and professional manager. He knows the inner workings of government and industry, and has repeatedly demonstrated the ability to run a large, complex organization with intellectual leadership and a steady hand,” pahayag ni Dominguez.
“All of these will contribute to his successful stewardship of the Bangko Sentral ng Pilipinas as its next Governor and Chairman of the Monetary Board. His competence is unquestionable, owing to his deep expertise in macroeconomics and extensive senior management experience in government and the private sector.”
Si Diokno ay nanilbihan na rin bilang pinuno ng DBM sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Joseph Estrada, at undersecretary ng kagawaran sa ilalim naman ni dating Pangulong Corazon Aquino.
Tinapos ni Diokno ang kanyang Bachelor’s Degree in Public Administration sa University of the Philippines.
Sa nasabing pamantasan din nito nakuha ang kanyang Masters Degree in Public Administration at MA in Economics.
Mayroon din itong hawak na MA in Political Economy mula sa Johns Hopkins University, at Ph.D. in Economics mula sa Syracuse University sa New York.