-- Advertisements --

Welcome sa Malacañang sakaling dagdagan ng Kongreso ang pondo ng bansa para sa storage at distribusyon ng COVID-19 vaccines.

Pahayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque kasunod ng sinabi ni Sen. Pia Cayetano na hindi covered ng 2021 budget ng Department of Health (DOH) ang gastos para sa storage at distribusyon ng bakuna sa oras na maging available na ito.

Sinabi ni Sec. Roque, sapat naman ang budget na una nang tinantiya ng pamahalaan para sa single dose ng AstraZeneca at mayroon pa umanong subsidy na makukuha ang bansa mula sa COVAX facility.

Ayon kay Sec. Roque, pinag-uusapan sa Senado ang posibleng pagdagdag sa pondong ito.

Sakali mang maisakatuparan ito, walang magiging objection ang Malacañang, lalo para naman ito sa ikabubuti ng mga Pilipino.

“Well, noong una po sapat naman iyong budget kasi tinataya iyong single dose ng AstraZeneca sapat naman po iyong hiningi nating budget tapos mayroon pa po kasing subsidy tayong makukuha dahil doon sa tinatawag na COVAX,” ani Sec. Roque.