-- Advertisements --

Tiniyak ng gobyerno na prayoridad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kapakanan ng sektor ng agrikultura at pangisdaan para mas maging produktibo.

Sa Cabinet meeting kagabi, inutusan ni Pangulong Duterte si Agriculture Sec. Manny Pinol na magpasa ng budget proposal na 10 beses na mas malaki sa budget ngayong taon.

Binigyang-diin ni Pangulong Duterte na kailangan ng mas malaking suporta sa sektor na ito dahil patuloy na lumalaki ang populasyon ng bansa kung saan nadaragdagan ng dalawang milyon kada taon.

Sa panig ni Sec. Pinol, sinabi nito na sa loob ng nakaraang dalawang taon ay tinatayang dalawang porsiyento lang ang share ng Department of Agriculture (DA) sa national budget kaya malaki talaga ang mababago sa sektor kung lumobo ang budget para sa 2020.

Ayon kay Sec. Piñol, napapahon din ang utos na ito ni Pangulong Duterte dahil ginagawa na ng DA ang three-day internal budget hearing.

Maliban sa dagdag na budget, iniutos din ng pangulo sa mga departamento na pag-aralan ang Roll-on, Roll-off program ng dating pangulo at ngayon ay House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa ilalim ng programa, magtatayo ang gobyerno ng ports o pantalang kinokonekta sa virtual sea highways gamit ang fastcrafts at ferry.

Inutusan din ni Pangulong Duterte ang DA na tutukan ang farm-to-market food chain para matiyak na naibebenta ng mga magsasaka at mangingisda ang kanilang mga produkto sa patas na presyo sa merkado