-- Advertisements --

Nais ni Bohol Representative Edgar Chato na dagdagan pa ang alokasyon na budget para sa Department of Education (DepEd) na gagamitin sa paglilimbag ng mga self-learning modules.

Ayon kay Chato, dapat dagdagan ng P20-billion ang panukalang budget ng DepEd upang pondohan ang kanilang kakailanganin sa printing ng SLMs na mga mag-aaral na naka-online class.

Malaking tulong aniya ito sa pagpapatupad ng naturang kagawaran sa distance learning dahil sa coronavirus pandemic.

Base kasi kay Negros Oriental Rep. Jocelyn Sy Limkaichong, na siyang nag-sponsor sa budget ng DepEd, aabutin ng P40 billion ang kailangan ng ahensya para mabigayn ang mga estudyante ng SLMs pero tanging P20 billion lamang ang alokasyon para rito sa ilalim ng 2021 General Appropriations Bill. P15 billion naman mula sa nabanggit na halaga ang nakalaan para sa mga regular programmed funds habang P5 billion ang para sa unprogrammed funds.

Nagbalik-tanaw din si Chato sa isinagawang budget brifing ng mga mambabatas. Ilang DepEd officials aniya ang nagsabi na hindi sapat ang natitirang pondo mula sa Special Education Fund at Brigada Eskwela Fund para bumili ng bond papers at pag-print ng modules.

Dahil dito ay hinikayat ng mambabatas ang kapwa niya mga kongresista na ikonsidera ang pagdagdag sa pondo ng DepEd.

May kabuuang P605 billion ang panukalang budget ng DepEd sa susunod na taon.