-- Advertisements --

Aabot sa P10 billion ang alokasyon para sa “Barangay Development Program” ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa ilalim ng 2023 proposed national budget.

Ayon kay Budget Sec. Amenah Pangandaman na nasa P28.9 billion ang pondo para sa “Local Government Support Fund ” kung saan nakapaloob dito ang P10 billion na para sa Barangay Development Program ng NTF-ELCAC, na mas mataas kumpara sa P5.62 billon na pondo ngayong taon.

Sinabi ni Pangandaman na layon ng programa na suportahan ang mga dating “conflict-ridden communities” sa pamamagitan ng pagsusulong ng socioeconomic development projects sa mga barangay beneficiaries.

Dagdag pa ni Pangandaman, mayroong P13.9 billion na pondo para sa “Growth Equity Fund” na inilaan sa mga 4th, 5th at 6th class municipalities at barangays, upang mabigyan sila ng mga programa at proyekto at makahabol sa mga mas matataas na bayan.

May binanggit din si Pangandaman na financial assistance para sa mga lokal na pamahalaan na nagkakahalaga ng P5 billion.

Sa ngayon ayon sa budget secretary walang pang napapadala ang NTF-ELCAC na listahan ng mga benepisyaryong barangay.

Habang ang recipient na mga barangay ay kailangan pang isalang sa evaluation.

Samantala, batay sa isinumiteng national expenditure program ng DBM, paglalaanan ng P115.6 billion ang 4Ps program ng DSWD, ‘di hamak na mas mataas sa P107.6 billion na budget ngayong 2022.

Ito ay sa kabila na nagsasagawa ngayon ng paglilinis ang DSWD sa listahan ng 4Ps beneficiaries.

Paliwanag naman ni DBM Usec. Rosemarie Canda, hindi maaaring basta na lamang babaan ang pondo ng 4Ps dahil mayroong sinusunod ito na compliance rate.

Katunayan, ngayong taon pumalo sa 97% ang compliance rate para sa programa kaya’t tumaas din aniya ang ibinigay na pondo.

Matatandaan na una nang inihayag ni DSWD Sec. Erwin Tulfo na posibleng nasa 1.3 million household beneficiaries ang mataganggal sa listahan ng 4Ps dahil sa sila ay maituturing na graduate na sa programa.