Wala umanong poproblemahin ang Pinoy pole vaulter na si EJ Obiena sa kanyang gagastusin para sa kanyang paghahanda sa Tokyo Olympics sa susunod na taon.
Pagtitiyak ito ni Philip Ella Juico, presidente ng Philippine Athletics Track and Field Association.
Ayon kay Juico, aprubado na raw ng Philippine Sports Commission ang budget na ilalaan para kay Obiena mula ngayon hanggang sa Olympics.
“The budgets are already being prepared,” wika ni Juico. “The budget for EJ, from now up to the Olympics, has been approved, thankfully, generously, by the PSC (Philippine Sports Commission). We’re happy to announce that.”
“His needs will all be met, despite the pandemic,” dagdag nito.
Sa Italy nanatili ang 24-anyos na si Obiena kung saan ito nagsanay sa kabila ng nararanasang COVID-19 pandemic.
Nakalahok din ito sa ilang mga torneyo kung saan nagwagi ito ng gintong medalya sa 59th Ostrava Golden Spike competition sa Czech Republic matapos magtala ng 5.74 meters.
Sinabi ni Juico, handa na raw si Obiena na bumalik sa pagsasanay para sa Olympic Games matapos ang maikling break.
“He’s about to start his foundation training for indoor. The indoor season will start in February, and then he moves to the outdoor season, which is all the way up to July, to the Olympics,” ayon kay Juico.