LEGAZPI CITY – Binabantayan ngayon ng Alliance of Health Workers (AHW) ang budget deliberation ng pondo para sa taong 2022.
Ayon kay AHW national president Robert Mendoza sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, binawasan kasi ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo sa pangkalusugan para sa susunod na taon mula sa P79 million ay naging P19 million na lang.
Kasama rito ang mga benepisyo para sa healthcare workers, pag-hire ng mga dagdag na nurse at pambili ng mga oxygen.
Aniya, kung iisipin dapat na iprayoridad ng gobyerno ang budget pangkalusugan dahil mayroong kinakaharap na pandemya.
Sinabi pa ni Mendoza na paano matutugunan ang pandemya kung kapos sa pondo ang tanggapang tututok sa paglaban nito.
Tiyak aniya na babagsak ang healthcare system ng bansa kung hindi maipakita ng pamahalaan ang tunay na pagpapahalaga sa healthcare workers.
Samantala, itinuloy naman ang kilos protesta ng ilang mga private hospital ngayong araw kaugnay sa mga benepisyong ipinangako ng gobyerno na hanggang sa ngayon ay hindi pa naibibigay.