Binigyang diin ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman ang kahalagahan ng pagkakaisa sa gitna ng diversity o pagkakaiba para makamit ng Marcos administration ang kanilang target na maibalik ang kasaganaan sa bansa.
Sinabi ni Pangandaman na dapat daw ay ipagpatuloy ng lahat ng mga Pilipino ang pagtutulungan para sa mas maganda, mas masagana at mas payapang kinabukasan ng mga susunod na henerasyon ng bansa.
Napahanga rin daw ito na kahit nagmumula ang mga Pinoy sa iba’t ibang rehiyon ng bansa ay iisa pa rin ang kanilang layunin at ang pagmamahal sa inang bayan.
Tiniyak din ng kalihim na ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng kanilang makakaya para maabot ang mithiing kasaganahan ng sambayanang Pilipino.
Pinaalalahanan din nito ang lahat ng mga Pilipino na maging matapang at isapuso ang sakripisyo ng kanilang mga ninuno para makamit ang kalayaan sa bansa na ngayon ay ini-enjoy ng lahat.
Ipinunto pa nitong ginagawa na rin ng Marcos administration ang lahat para tiyakin ang “inclusive” at “sustainable” economic transformation na mararamdaman ng bawat Pinoy.
Inihalimbawa nito ang national government initiatives kabilang na ang P66-billion block grant sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM); ang tulong na ibibigay sa mga local government units para sa transition sa full devolution at ang digitalization efforts para ma-promote ang bureaucratic efficiency, transparency at accountability.