-- Advertisements --
Koronadal Map 1
Koronadal

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa pamamaril sa Koronadal City na ikinasawi ng dalawang katao.

Nangyari ang nasabing pamamaril sa harapan lamang ng tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa GenSan Drive national highway alas-12:30 kaninang tanghali lamang.

Kinilala ang mga biktima na sina Violebeth Guimalon, 44-anyos na residente ng Agdao, Davao City, at Manny Alvarez Diaz, nasa legal na edad na taga-Davao rin at bagong laya sa bilangguan matapos makapagpiyansa.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Nanay Violeta, ina ni Violebeth, ang anak nito ang nagproseso ng bailbond ni Manny kaya magkasama sila sa police station at sumakay ng tricycle upang mananghali sa isang mall sa Baranagy Sto Nino.

Ayon sa tricycle driver na si alyas Bonbon, sinasabihan siya ng mga biktima na bilisan niya ang pagmaneho at nagulat na lamang ito nang unang binaril ng mga pinaniniwalaang riding-in-tandem suspects ang babae na nakasakay sa likurang bahagi ng tricycle at sinundan naman si Diaz na nasa harap nakapuwesto

Dagdag ni Bonbon na hindi pa nakuntento ang mga suspek sa mga biktima dahil sumunod pa nang tangkang dalhin sa ospital.

Isinugod naman sa isang pribadong ospital si Guimalon ngunit idineklarang dead on arrival dahil sa tama sa kaniyang likod.

Nabatid na si Manny ang isa sa mga tatlong nahuli na budol-budol suspect at sinasabing nag-bribe sa mga kapulisan.