LEGAZPI CITY – Aminado ang National Food Authority (NFA) Bicol na lalo pang bumaba ang average ng local procurement ng palay.
Kaugnay ito ng mandato ng ahensya sa ilalim ng Rice Liberalization Act na ilaan ang naturang palay para sa 15 days buffer stock na magagamit sa panahon ng kalamidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay NFA Bicol Director Henry Tristeza, bumaba 750 bags per day ang average daily procurement kasabay ng pagpasok ng lean months o panahon ng pagtatanim ng mga magsasaka na inaasahang tatagal hanggang Setyembre.
Maibabalik lang aniya sa 3, 000 hanggang 5, 000 bags ng palay ang mabibili sa pagpasok ng Oktubre na panahon ng anihan.
Naibaba na rin lahat sa unang linggo ng Mayo ang mga imported rice kung kaya may 10-day buffer stock sa mga bodega na aabot sa 405, 000 bags.
Subalit ayon kay Tristeza, kulang pa rin ito sa natitirang 5-day requirement sa stock.