BACOLOD CITY – Umabot sa mahigit 20 kabahayan ang sinira ng buhawi na nanalasa sa Calatrava, Negros Occidental kahapon ng hapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Calatrava Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office Head Ray Suminguit, limang bahay ang totally damaged at hindi bababa sa 17 ang partially damaged sa Sitio Passing Truck, Barangay Minapasuk.
Batay sa datos, nasa P200,000 ang halaga ng pinsala na iniwan ng buhawi na dumaan sa nasabing lugar at tumagal ng 10 hanggang 15 minuto.
Maliban dito, natanggal din ang bubong at mga bintana ng Passing Truck Day Care Center.
Wala namang nasugatan sa mga residente.
Ayon kay Suminguit, kahit na nasira ang ilang bahay, walang pumunta sa evacuation center dahil mas pinili ng mga residente na tumuloy sa kanilang mga kamag-anak o kapitbahay.
Tiniyak naman ng opisyal na may tulong na ibinigay ang local government unit ng Calatrava katulad ng food packs sa mga residente na naapektuhan sa pagtama ng buhawi.