KALIBO, Aklan – Patuloy ang pagsidatingan ng mga turista at bakasyunista sa Boracay ngayong Martes Santo.
Ayon sa Municipal Tourism Office ng Local Government Unit-Malay, inaasahan na nila ang pagdoble ng bilang ng mga bakasyunista ngayong Holy Week.
Kaugnay nito, inaasahan nilang maabot ang target na 51,000 tourist arrival dahil sa biglang pagbuhos ng maraming tao.
Batay sa record ng tanggapan, 80 porsiyento ng kabuuang tourist arrival sa unang dalawang linggo ngayong buwan ay mga dayuhang Instik.
Ito’y dahil sa pagbisita ng cruise ship na MS Voyager of the Seas ng Royal Carribean noong Abril 9 lulan ang 2,000 pasahero na pawang Chinese national at 1,000 crew.
Samantala, muli itong bumalik kahapon sa naturang isla lulan naman ang nasa 3,938 na mga turistang Instik at mahigit sa 1,180 crew.
Sa kabilang dako, sinabi ni Police Corporal Jane Vega, tagapagsalita ng Aklan Police Provincial Office, na nakalagay na sa heightened alert ang lahat ng mga opisyal at personnel sa iba’t ibang units ng pulisya.
Ito’y upang matiyak ang seguridad sa Kalibo International Airport, Caticlan Airport, Jetty Port at mga kalsada papuntang Boracay, kung saan buhos na ang mga taong nagbabakasyon sa tanyag na isla.