Labis na takot at pangamba ang nararamdaman pa rin ni Bombo International News Correspondent Joy Fernandez Tolentino, mula sa Kyiv, Ukraine, tubong Isabela, Negros Occidental, matapos yanigin ang tinitirihang building makaraan ang malakas na pagsabog ng missile mula sa puwersa ng Russia.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Laoag kay Tolentino, agad itong tumawag sa kanyang amo para lumikas dahil sa giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Sinabi nito na agad silang bumili ng mga kakailanganin kagaya ng pagkain, tubig, at iba pa dahil sa panic-buying ng mga residente sa lugar.
Aniya, habang sila ay lumilikas nakita niya ang mahigpit na trapiko palayo sa lugar na target ng Russia.
Sa ngayon, sinabi ni Tolentino na nasa maayos na silang kalagayan kasama ang amo at malayo sa lungsod.
Kaugnay nito, sinabi pa ni Tolentino na mayroon din silang ugnayan sa mga iba pang Filipino sa lugar kung saan ay sasakay sila sa isang bus papuntang Lviv kung saan malapit ito sa Poland.
Samantala, sa report naman ni Bombo International News Correspondent Jeni Lopez, nagkakaubusan na ang lamang ng mga ATM at mga supply sa mga grocery at supermarket sa Kyiv.