Dumipensa ang pamunuan ng PNP kaugnay sa naging pahayag ng Amnesty International na ang probinsiya ng Bulacan ang siyang “killing field” ng war on drugs ng Duterte administration.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Oscar Albayalde, “stereotyping” ang pahayag ng grupo kung saan mataas ang bilang ng extrajudicial killings na may kaugnayan sa illegal drugs ang Bulacan.
Sinabi ng hepe ng pulisya, ang mga isinagawang anti-illegal drug operation sa Bulacan ay mga lehitimong mga operasyon at kanilang iginagalang ang karapatang pantao.
Giit ni Albayalde, hindi naman tuloy-tuloy ang operasyon sa nasabing lalawigan at ang war on drugs naman ay nakatutok sa buong bansa.
Hindi naman kumbinsido ang nasabing human rights group na lahat ng napatay ay nanlaban batay sa hawak nilang autopsy report.
Batay sa datos, 27 ang napatay sa Bulacan mula May 2018 hanggang April 2019.
“However, we will do it within the bounds of the law palagi yan sinasabi natin. Yung mga allegations na yan are all allegations that have never been proven,” pahayag ni Albayalde.