Ikinalungkot ni Bulacan Governor Daniel Fernando ang pagtawag ng Amnesty International sa kanilang probinsya bilang “bloodiest killing field” sa giyera kontra droga ng Duterte administration.
Ayon sa actor/politician, maraming dahilan kung bakit ito nangyari gaya ng patuloy na suporta ng lalawigan sa war on drugs.
“Nakakalungkot isipin na matagurian ang Bulacan bilang ‘bloodiest killing field’ kung saan marami sa ating mga kababayan ang nasawi sa war on drugs. Maraming kadahilanan kung bakit nangyayari ito, at tayo ay tiyak na sumusuporta sa laban kontra droga, gayunpaman ay dapat bigyan ng pansin kung mayroong naging paglabag sa karapatang pantao,” wika ni Fernando.
Sinabi pa ng gobernador, nananatiling prayoridad nito ang pagtitiyak sa kaligtasan ng kanyang mga nasasakupan.
“Ako ay naniniwala na sa ating paghahangad ng kapayapaan ay dapat una ang pagtiyak sa kaligtasan ng ating mamamayan pagtutuunan ang mga sanhi at ugat ng krimininalidad para makamit natin ang tunay at pangmatagalang kapayapaan,” dagdag nito.
Giit ni Fernando, sineseryoso nito ang naturang isyu at kanya itong idudulog sa mga kinauukulan.
Sa pahayag naman ni Bulacan provincial police director, Col. Chito Bersaluna, iniiwasan ng mga pulis ang anumang uri ng karahasan tuwing nagsasagawa sila ng operasyon.
Iimbestigahan din aniya ng pulisya ang anumang pagkakamali sa kanilang hanay, sang-ayon sa nakasaad sa batas.