Naghain ng motion for reconsideration ang Bulacan provincial government sa Korte Suprema hinggil sa naunang desisyon ng kataas-taasang hukuman na walang karapatan ang Bulacan sa revenues ng paggamit ng Angat Dam.
Pinangunahan ito ni Bulacan Governor Daniel Fernando kung saan ipinunto niya na ang tubig ay kinilala ng 1987 constitution bilang likas na yaman ng bansa.
Dahil dito, dapat umanong may bahagi ang Local Government Unit sa kinikita ng pag-utilize at pag-develop ng national wealth sa nasasakupan nitong munisipalidad.
Nakasaad din umano ito sa Article 386 ng Implementing Rules and Regulations of the Local Government Code.
Dagdag pa ni Fernando, gusto niya raw siguraduhin na nakukuha ng mga Bulakenyos ang kanilang karapatan sa water resource na natatagpuan sa kanilang probinsiya.
Base kasi sa desisyon ng Korte Suprema noong nakaraang taon, hindi na parte ng natural resources ang tubig sa Angat Dam kaya hindi na dapat ito patawan ng national wealth tax.
Binigyang-diin din ng kataas-taasang hukuman na hindi na dapat magbigay pa ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS ng national wealth tax sa Bulacan dahil hindi naman daw ginagamit ng MWSS ang tubig sa Angat Dam para pagkakitaan.
Sa Angat Dam kumukuha ng tubig ang kalakhang Maynila na matatagpuan sa Angat Watershed Forest Reserve sa Norzagaray, Bulacan.