Pina-recall na ni PRO-6 regional police director Chief Supt. John Bulalacao ang lahat ng mga police escorts nina Rep. Richard Garin at Guimbal Mayor Oscar Garin matapos bugbugin umano ang isang pulis.
Sa official statement na inilabas ni Bulalacao kaniyang sinabi na sasampahan din nila ng kasong physical injuries, alarm and scandal, direct assault against an agent of person in authority at grave coercion ang mag-amang Garin.
Dagdag pa ni Bulalacao, hihilingin din nito sa DILG ang pagkansela ng mayors deputation sa PNP ni Mayor Oscar Garin para hindi na nito ma-control ang mga pulis sa Guimbal.
Sinibak din ni Bulalacao sa pwesto ang chief of police ng Guimbal na si S/Imsp. Antonio Monreal dahil sa kawalan ng aksiyon para tulungan ang kaniyang tauhan na binubog.
” I told Cong Garin that I’m taking this incident as an affront to me. I will not let this pass without taking action against them,” giit pa ni Bulalacao.
Sinabi ni Bulalacao na humingi umano ng paumanhin si Garin sa kaniya dahil sa ginawa nito sa kaniyang tauhan at tinanggap naman nito ang apology ng mambabatas.
Pero hindi ibig sabihin na pikit mata na lamang daw ang PNP sa ginawa ng mga Garin.
Giit ni Bulalacao, hindi niya matanggap ang ginawa ni Rep. Garin sa kaniyang tauhan kung paano nito niyurakan ang kanilang uniporme.
Naipa-blotter na ni PO3 Macaya ang insidente at sumailalim na rin ito sa medical examination bilang paghahanda sa pagsasampa ng kaso.
Ani Bulalacao, wala siyang personal na galit sa mga Garin pero kailangan nitong suportahan at protektahan ang kaniyang tauhan.