-- Advertisements --

Itinaas na ng Philippine Institute of Volcanology and Seimology(Phivolcs) sa Alert Level 1 ang bulkang Bulusan, kasunod ng nangyaring phreatic eruption kaninang umaga(April 28).

Batay sa inilabas na Alert Level Bulletin ng Phivolcs, mula sa dating Alert Level 0 ay ini-angat na ang alerto dahil sa nagpapatuloy na ‘low-level of unrest’ sa naturang bulkan habang nanananatili rin ang posibilidad na muli itong magkakaroon ng mga serye ng phreatic aruptions.

Kasabay nito ay pinayuhan ng Phivolcs ang mga lokal na pamahalaan malapit sa lugar na bantayan ang sitwasyon at agad gumawa ng akmang hakbang, kasama ang agarang paglalabas ng akmang mga advisory.

Kailangan ding istriktong ipatupad ang pagbabawal na pumasok sa 4-kilometer radius Permanent Danger Zone(PDZ) at mabantayan ang 2-kilometer Extended Danger Zone(EDZ) lalo na sa southeast sector.

Ito ay dahil na rin sa posibilidad ng pagbagsak ng mga volcanbic hazard tulad ng pyroclastic density currents(PDZ), ballistic projectiles, mga banto, atbpa.

Pinapatuhan din ang mga komunidad na gumamit ng face mask, lalo na sa mga lugar na nakaranas ng mabigat na usok na nagmula sa naturang bulkan.

Hindi rin inaalis ng Phivolcs ang posibilidad ng pag-agos ng lahar at iba pang volcanic materials, lalo na kung may mabigat na pag-ulan o kung masusundan pa ang naunang phreatic eruption ng naturang bulkan.

Sa kasalukuyan, mayroon nang naitalang ashfall sa maraming lugar tulad ng mga barangas sa Juban, Sorsogon.