-- Advertisements --

Naobserbahan ang patuloy na pagbuga ng abo ng bulkang Kanlaon na nagtagal ng mahigit isang oras nitong gabi ng Lunes, Enero 13.

Base sa monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naobserbahan ang ash emissions mula sa summit crater ng bulkan mula alas-9:36 ng gabi hanggang alas-10:42 ng gabi na nakapag-generate ng plumes na umabot ng 200 metro ang taas sa tuktok ng crater bago mapadpad sa kanlurang direksiyon.

Nasa kabuuang 15 volcanic eartquakes naman kabilang ang 4 na volcanic tremors ang naitala sa bulkang Kanlaon na nagtagal ng 10 hanggang mahigit isang oras.

Umabot naman sa 3,341 tonelada kada araw ang nasukat na asupreng ibinuga ng bulkan nitong nakalipas na araw ng Lunes.

Sa ngayon nananatili sa Alert level 3 ang bulkan na nangangahulugan ng intensified unrest/magmatic unrest.