Magkakasunod ang ibinugang abo ng bulkang Kanlaon sa Negros island kaninang umaga ngayong Biyernes, Nobiyembre 1.
Base sa monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), tumagal ang ‘ashing’ events na naobserbahan sa bulkan ng 19 na minuto mula alas-7:20 ng umaga hanggang alas-7:39 ng umaga.
Nagresulta ang ash event sa light-gray plumes bunsod ng pagtaas at patuloy na degassing ng bulkan. Umabot ng hanggang 800 metro ang taas ng ibinugang abo ng bulkan bago napadpad sa hilagang kanluran-kanlurang direksiyon sa taas ng summit crater.
Wala namang seismic o infrasound signals na na-detect ang Phivolcs sa kasagsagan ng ash event.
Una na ngang naobserbahan ang kabuuang 84 na volcanic earthquakes sa Kanlaon noong Huwebes, Oktubre 31 kung saan three-fourths ng volcanic quake ay naitala sa loob ng 9 na oras.
Sa monitoring din ng Phivolcs ngayong Biyernes, nagbuga ang bulkan ng asupre na nasa 5,866 tonelada kada araw, bumaba naman na ito mula sa naitalang mahigit 7,000 tonelada noong Oktubre 30.
Sa kabila ng panibagong mga aktibidad ng bulkan, nananatili pa rin ito sa Alert level 2 na nagpapakita ng increasing unrest.
Una naman ng ibinabala ng Phivolcs na maaaring humantong sa pagsabog at pagtaas sa Alert level ng bulkan ang pinaigting pa na seismic activity ng bulkang Kanlaon.