Nakapagtala ng panibagaong 16 na volcanic earthquakes ang Bulkang Kanlaon sa nakalipas na 24 oras na monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Maliban dito ay dalawang beses din ito nagbuga ng makakapal na abo na siyang tumagal ng mula 43 hanggang 49 na minuto. Kasabay nito ay nagbuga din ng 3984 na tonelada ng sulfur dioxide ang Kanlaon.
Mapapansin din ang patuloy na pamamaga ng Bulkan kung saan nakapagtala din ang PHIVOLCS ng anim na volcani tremor na siyang maaaring senyales ng maaaring nagbabadyang pagsabog mula sa bulkan.
Nananatili namang nakataas ang Alert Level 3 sa bulkan dahil sa patuloy na mga aktibidad nito.
Samantala, ipinagbabawal pa rin sa ilalim ng antas na ito ang paglipad ng kahit ano mang uri ng sasakyang panghimpapawid malapit sa bunganga ng Kanlaon at ang pagpasok sa anim hanggang pitong kilometrong radius mula sa bulkan.
Pinagiingat naman ang publikong malapit sa Kanlaon sa mga maaaring banta ng biglaang pagsabog nito, pagbuga ng lava at abo, rockfall at lahar.