Muling nakapagtala ng mga panibagong aktibidad ang Bulkang Kanlaon sa nakalipas na 24 oras.
Batay sa datos ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), nakapagtala ng 8 volcanic earthquakes ang bulkan at nakapagbuga ng 1,611 na tonelada ng sulfur dioxide simula 12:00am ng madaling araw ng Pebrero 8 hanggang 12:00am ng madaling aaw ngayong linggo, Pebrero 9.
Ang mga pagbugang ito ay may taas na 100 metro na siya namang napadpad sa west-southwest at westward.
Ayon sa PHIVOLCS, magpapatuloy ang degassing at ang pagbubuga nito ng panaka-nakang abo sa mga sususnod pang araw.
Nananatili namang namamaga ang bunganga ng Kanlaon dahil sa patuloy nitong mga aktibidad.
Samantala, nakataas pa rin ang Alert Level 3 sa paligid ng bulkan at patuloy na pinapairal ang paglikas at hindi muna pagpasok sa mga lugar na nakapaloob sa 6-kilometer radius mula sa tuktok ng bulkan.
Ipinagbabawal pa rin ang paglipad ng kahit anong klaseng sasakyang pamhimpapawid malapit sa bunganga nito dahil pa rin sa mga pagyanig at degassing activities nito.
Nagpaalala naman ang mga otoridad sa mga maaaring biglaang pagsabog, pagbuga ng lava, pag-ulan ng abo, rockfall at pagdaloy ng lahar kung may malalakas na pag-ulan.