LEGAZPI CITY – Ibinaba na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa normal na lebel o Alert Level 0 ang bulkang Mayon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Phivolcs volcanologist Paul Alanis, nakitaan umano ng pagbaba ang mga parametrong binabantayan sa bulkan kagaya na lamang ng 0 hanggang 5 events ng volcanic earthquakes sa nakalipas na anim na buwan.
Wala umanong makitang indikasyon sa ngayon na may magma na umaakyat mula sa ilalim.
Mababa na rin ang sulfur dioxide emission na naitatala na below baseline level ng 500 tonnes per day.
Mahina na rin ang banaag o crater glow kung gabi sa tuktok ng bulkan.
Ayon pa kay Alanis, binabantayan pa rin ang lava dome sa bunganga nito subalit hindi naman nagbabago ang itsura at laki na indikasyon na walang papaakyat na magma.
Paalala lamang ni Alanis na bagama’t ibinaba na ang alert status sa Mayon, iwasan pa rin ang pagpasok sa 6-kilometer permanent danger zone ng bulkan dahil hindi isinasantabi ang posibilidad sa phreatic eruption, rockfalls at iba pang perennial hazards na maaring maganap na walang anumang babala.