LEGAZPI CITY- Bagamat tahimik sa nakalipas na buwan ay nananatili pa rin ang panganib na dala ng Bulkang Mayon sa lalawigan ng Albay.
Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology resident volcanologist Dr. Paul Alanis sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na mayroon pa ring pamamaga na naitatala sa naturang Bulkan.
Nabatid na halos wala na ring volcanic earthquake subalit mataas pa aniya ang ibinubuga nitong sulfur dioxide sa nakalipas na mga araw.
Dahil dito ay wala pa ring plano ang naturang ahensya na ibaba ang alerto ng Bulkang Mayon na kasalukuyang nasa alert level 2.
Samantala, sinabi ni Alanis na sa kabila ng nararanasang mga pag-ulan sa lalawigan ng Albay ay nakakatulong ang instability ng slopes ng bulkan upang unti-unting maibaba ang mga volcanic deposits mula sa 2023 eruption.
Paliwanag ng opisyal na hindi pa nakakapag settle ang naturang mga deposits kaya madali pang natatanggay ng mga pag-ulan.
Kaugnay nito ay patuloy pa ring pinag-iingat ang publiko habang mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6km permanent danger zone.