-- Advertisements --
Mt Mayon

Isang average na 3,465 tonelada ng sulfur dioxide flux ang ibinubuga sa kasalukuyan ng Bulkang Mayon habang nananatili pa rin ito sa Alert Level 3 status.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), nagkaroon din ng 84 volcanic earthquakes ang restive volcano sa Albay, 153 rockfall events, at limang pyroclastic density current events sa nakalipas na 24 na oras.

Ang Bulkang Mayon ay patuloy ding nagkakaroon ng mabagal na pagbuga ng lava mula sa summit crater nito, na umabante sa 3.4 kilometro sa kahabaan ng Bonga Gully, 2.8 kilometro sa kahabaan ng Mi-isi Gully, at 600 metro sa Basud Gully.

Mayroon ding pagguho ng lava na umabot sa 4 na kilometro mula sa bunganga ng nasabing bulkan.

Sa ngayon, apektado na ang kabuuang 38,396 indibidwal o 9,876 pamilya sa 26 na barangay sa Bicol Region.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mahigit P265 million na rin ng halaga ng tulong ang naibigay ng ahensya sa mga naapektuhan ng patuloy na aktibidad ng Bulkang Mayon.