Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na nagbuga ng isa pang high-volume ng volcanic sulfur dioxide ang Bulkang Taal.
Sa huling monitoring na iniulat ng Phivolcs, ang bulkan ay nagbuga ng 12,591 metric tons (MT) ng toxic sulfur dioxide (SO2) sa nakalipas na 24 na oras.
Tumaas ang emission sa 900 metro sa itaas ng Taal Volcano Island, na lokal na kilala bilang “Pulo,” bago lumipad sa timog-kanluran.
Naobserbahan din ng mga state volcanologist ang isang “upwelling of hot volcanic fluids” sa main crater lake ng bulkan sa Pulo, na nasa gitna ng Taal Lake.
Kaugnay nito ay wala namang naitalang lindol sa pinakabagong update ng ahensya.
Gayunpaman, ang pinakahuling antas ng emisyon ay bahagyang mas mababa kaysa sa 12,685 MT na naitala noong Enero 4, na kung saan ang pinakamataas ngayong taon.
Noong 2023, ang naturang bulkan ay nagtala ng 11,499 MT noong Nobyembre 9, na pinakamataas na antas ng emission na naitala noong nakaraang taon.