Na-detect ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology(Phivolcs) ang ilang panibagong aktibidad ng bulkang Taal.
Batay sa advisory na inilabas ng Phivolcs ngayong araw, nagpakita ang bulkan ng pagtaas sa seismic activity nito. Nangangahulugan ito, ayon sa ahensiya, ng potential volcanic activity sa ilalim ng bulkan.
Naitala kasi ng Taal Volcano Network (TVN) ang kabuuang 12 volcanic earthquakes mula noong Enero-1, 2025, kabilang na ang anim na volcanic tremor.
Natukoy din ng TVN ang kawalan ng degassing plume mula sa bunganga ng bulkan, bagay na ikina-aalarma nito dahil sa nakalipas na apat na taon ay tuloy-tuloy ang pagbuga nito ng sulfur dioxide (SO2) o asupre. Ang huling naitalang ibinuga nitong asupre ay may kabuuang 2,753 tonelada/kada araw.
Ang pagtaas ng mga seimic activity sa bulkan, kasama na ang biglaang pagkawala ng gas emissin mula sa bunganga nito ay palatandaan na may nakabara sa volcanic gas pathway o bunganga ng bulkan, isang potential situation na maaaring magdulot ng steam-driven o phreatic eruptions, at maging ang mga minor phreatomagmatic events.
Dahil dito, patuloy na pinag-hahanda ng Phivolcs ang publiko at pinapayuhan ang mga ito na maging alerto.
Kasalukuyan pa ring nakataas ang bulkan sa ilalim ng Alert Level 1.