Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang tatlong magkakasunod na phreatic eruptions ng bulkang Taal sa prbinsya ng Batangas.
Sa pagitan ng 7:15 hanggang 7:23 noong gabi ng August 2, 2023, namonitor ng ahensiya ang tatlong mahihinang phreatic eruption.
Ayon sa Phivolcs, natukoy ito sa bunganga ng bulkan at nagtagal ng tig-isang minuto ang bawat isa.
Ang mga natukoy na phreatic eruption ay lumikha ng 2,100 metro ng usok na may kasamang mga volcanic particles.
Umabot rin sa 3,309 tonelada ng sulfur dioxide ang ibinuga ng naturang bulkan kung saan naobserbahan ang pagbuo ng volcanig smog o vog sa palibot nito.
Kasabay nito ay namonitor ng ahensiya ang tatlong magkakasunod na volcanic earthquake sa nakalipas na 24 oras.
Sa kabila ng tuloy-tuloy na volcanic activity, pinanatili pa rin ng ahensiya ang alert level 1 sa bulkang Taal.