Nakapagtala ng 3 maliliit o mahihinang phreatic eruptions sa Bulkang Taal sa nakalipas na 24 oras base sa monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Tumagal ang naturang mga pagputok ng isa hanggang tatlong minuto.
Paliwanag ng Phivolcs na ang phreatic eruption ay ang steam-driven explosion na nangyayari kapag ang tubig sa ilalim ng lupa o sa surface ay umiinit bunsod ng magma, lava, mainit na mga bato o bagong mga deposito mula sa bulkan.
Subalit binigyang diin naman ng ahensiya na tila malabo na magresulta ito sa magmatic eruption base sa background levels ng mga naitatalang pagyanig sa bulkan at na-detect na ground deformation.
Samantala, nakapagtala din ng 1 volcanic tremor sa bulkan na tumagal ng 10 minuto.
Sa kabila nito, nananatili pa rin ang bulkang taal sa alert level 1 o low level of volcanic unrest.
Patuloy pa rin ang paalala ng ahensiya sa publiko na mag-ingat at huwag pumasok sa Taal Volcano Island gayundin iwasan ang pamamalagi sa lawa ng Taal.