Nananatili sa Alert Level 1 o low level unrest ang bulkang Taal sa lalawigan ng Batangas sa kabila pa ng nangyaring phreatic eruption sa nakalipas na 24 oras.
Base sa datos mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na inilabas ngayong Biyernes, tumagal ng 5 minuto ang phreatic eruption sa Taal Volcano mula alas-10:05 ng gabi hanggang alas-10:10 ng gabi nitong Huwebes, Agosto 1. Sinundan ito ng 2 volcanic earthquakes.
Iniulat din ng ahensiya na nagbuga ng makapal na plume ang pag-alburuto ng bulkan na may taas na 1.5 kilometers sa tuktok ng main crater.
Ipinaalala naman ng ahensiya sa publiko na maaaring magdulot ng pangmatagalang banta ang degassing ng mataas na konsentrasyon ng asupre mula sa bulkan sa kalusugan ng mga nasa komunidad na nasa paligid ng Taal Caldera na madalas na lantad sa volcanic gas.
Payo din ng Phivolcs sa publiko na striktong ipinagbabawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island na isang permanent danger zone partikular na malapit sa crater at Daang Kastila fissure dahil sa patuloy na banta ng abnormalidad ng bulkan.