Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) tungkol sa tumataas na posibilidad na magkaroon ng panibagong eruption o pagputok ang Bulkang Taal sa Batangas na kagaya noong nakalipas na taon.
Ayon kay Phivolcs Director Renator Solidum, sa nakalipas na 24 oras ay nakapagtala na sila ng 69 tremors na dulot ng “hydrothermal activity,” kung saan pinapainit ng gas mula sa magma o mga tunaw na bato ang tubig sa ilalim ng Taal Volcano Island.
Paglalahad pa ni Solidum, maaapektuhan ng isa na namang pagsabog ang volcano island kung saan nauna nang pinalikas ng mga otoridad ang mga naninirahan sa lugar.
“Iyong tubig na iyan at iyong steam o gas ay kumikilos kaya maraming paglindol. Ito rin po ang nagdudulot ng pagpapainit sa Taal main crater lake at sa pagiging mas acidic nito,” wika ni Solidum sa isang public briefing.
“Ito po iyong ating tinitingnan, tumataas po ang posibilidad na magkaroon ng phreatic eruption or explosion tulad po noong nangyari noong initial part ng Jan. 12, 2020 activity ng Taal Volcano. Ito pong ganitong pangamba ay makakaapekto lamang sa kasalukuyan doon sa volcano island mismo.”
Nananatili naman aniyang ipinagbabawal ang pagpasok sa danger zone ng Taal.
“Iyong phreatic eruption or explosion ay mabilisan po iyan o sudden. Kapag ang tao po ay natutulog doon at naninirahan, lalo na sa gabi, mahirap po silang magresponde ng tama,” ani Solidum.