Hindi kinaya ng Chicago Bulls na tuluyang itumba ang league leading team na Phoenix Suns kahit pa ginawa ang laro sa kanilang sariling teritoryo.
Kinontrol ng Suns ang laro mula umpisa hanggang sa huli para pahiyain ang Bulls, 127-124.
Umabot pa sa 27 ang kalamangan ng Phoenix sa third quarter.
Nagpakitang gilas naman si Devin Booker nang kumamada ng 38 points para sa kanilang 43-10 record.
Liban nito, meron pang limang three-pointers na naipasok si Booker.
Nagdagdag naman ang veteran point guard na si Chris Paul ng 19 points at 11 assists.
Samantala, nalaglag sa third-place ngayon ang Bulls (33-21) at tumabla sa Eastern Conference kasama ang Cleveland, o may 1 1/2 games sa likod ng Miami at kalahating laro sa defending NBA champion na Milwaukee.
Nabaliwala tuloy ang ginawa ni DeMar DeRozan na nagbuhos ng 38.
Ang nagbabalik na si Zach LaVine ay may 32 matapos na hindi nakalaro sa nakalipas na dalawang games bunsod ng back spasms.