-- Advertisements --

Bumangon ang Chicago Bulls mula sa 19 points na deficit upang buweltahan ang Boston Celtics, 128-114.

Ito na ang ikaanim na panalo ng Bulls ngayong bagong season ng NBA, habang ang Celtics naman ay lumasap sa kanilang kabuuang ikalimang talo.

Noong una ay abanse pa ng 19 points ang Boston sa second half pero nahabol ito ng Bulls sa fourth quarter para iposte pa ang 14 points na abanse.

Nanguna sa opensa ng Bulls si DeMar DeRozan na may 37 points, si Zach LaVine ay umeksena sa 26 points habang si Nikola Vucevic ay nagtapos sa 11 points, 10 rebounds at nine assists para sa Bulls.

Para naman sa Celtics na may tatlong sunod-sunod na talo ay nasayang ang pangunguna ni Jaylen Brown na may kabuuang 28 points.

Umani tuloy sila nang pagkantiyaw sa kanilang sariling mga fans.

Ang iba pang Celtics star na sina Al Horford ay nagpakawala ng 20 points at 10 rebounds, gayundin si Jayson Tatum na nagtapos sa 20 puntos.

Sa Huwebes dadayo ang Celtics sa Orlando.

Samantalang ang Bulls naman ay bibisita sa Philadelphia.