Nakatakdang simulan ng Land Transportation Office (LTO) ang produksyon ng mga plaka ng sasakyan sa buwan ng Oktubre.
Ito ay upang matugunan ang nananatiling backlog ng mga plaka sa mga sasakayan at motorsiklo.
Ayon kay LTO chief at Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary Vigor Mendoza II, una nang nakapag-order ang LTO ng hanggang sa 15.9million na plaka at inisyal na isang million naman ang naihatid na sa LTO.
Paliwanag ni Mendoza, ang kanilang mga makinarya na ginagamit sa pag-imprenta sa mga plaka ay nakakayang makagawa ng 42,000 na plaka kada araw.
Gayonpaman, maaaring aabutin pa rin aniya ng hanggang sa dalawang taon bago makumpleto ang 13 million na backlog sa plaka.
Sa kasalukuyan, ang pangunahing prayoridad aniya ay ang maibigay na ang plaka sa mga bagong motorsiklo upang hindi na sila maging bahagi pa ng backlog.
Pagtitiyak ng opisyal na kanilang matutugunan ang buong problema sa plaka ng mga sasakyan, kasama na ang distribusyon sa mga may-ari ng mga plaka.