-- Advertisements --
banac
PNP spokesman Col. Bernard Banac

Iginiit ng Philippine National Police (PNP) na huwag silang sisihin ng mga makakaliwang partylist groups kung bumaba ang nakuha nilang boto sa katatapos na midterm elections.

Magugunitang batay sa partial and unofficial count mula sa transparency serve ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), lumalabas na nabawasan ang nakuhang boto ng Bayan Muna habang ang ilang kaalyadong partylist groups ay malabong makabalik na sa Kongreso.

Nagrereklamo ang mga nasabing grupo dahil resulta raw ito ng ginawang “red-tagging” o pagbabansag sa kanila ng PNP at AFP na mga miyembro ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (NPA) lalo bago ang halalan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PNP spokesman Col. Bernard Banac na walang kinalaman ang PNP sa resulta ng halalan dahil taongbayan ang nagsalita at nagdesisyon kung karapat-dapat mailuklok o hindi sa tinatakbuhang posisyon.

Ayon kay Col. Banac, iginagalang naman nila ang nasabing paratang ng mga makakaliwang grupo bilang bahagi ng karapatan sa malayang pamamahayag.

Samantala, patuloy pa umanong bineberipika ng PNP ang mga tinanggap na report kaugnay sa mga kandidatong nagbayad ng revolutionary tax o permit to campaign sa NPA bago nila sampahan ng kaukulang kaso.