-- Advertisements --

Hindi ikinabahala ng Malacañang ang pinakabagong resulta ng Pulse Asia survey kung saan nakasaad na bumaba sa 74 percent ang trust rating at 78 percent ang approval rating ng mga Pilipino kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa ikatlong quarter ng 2019.

Pahayag ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa kabila ng pagbaba ng trust and approval rating ni Pangulong Duterter mula sa naitalang 85 percent noong ikalawang quarter ng taong kasalukuyan.

Sinabi ni Sec. Panelo, tumataas at bumababa naman talaga ang resulta ng mga survey, depende sa panahon kung kailan isinagawa ang survey.

Ayon kay Sec. Panelo, kung isinagawa ito sa gitna ng isang kontrobersya ay posible talaga itong makaapekto sa survey.

Gayunman, iginiit ng Malacañang na nananatiling mataas ang 70 percent plus na nakuhang trust and approval rating ni Pangulong Duterte sa kabila ng mga patuloy na pagbabatikos sa kanya ng mga kritiko.