LEGAZPI CITY – Hindi na umabot sa ospital at nanganak na lamang sa damuhan sa tabi ng daan ang isang 39-anyos na ina sa Sitio Indiana Farm Brgy. Talabaan, Aroroy, Masbate.
Mabuti na lamang at agad na humingi ng tulong sa Emergency Management Service ng Aroroy Fire Station ang ilang nakasaksi.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay FO3 Eldrin Cadiz ng BFP Aroroy, kasama ng ginang ang biyenan nitong babae at patungo sana sa lying-in clinic nang pumutok ang panubigan.
Inilatag na lamang ng mga ito ang dalang kumot sa damuhan kaya’t nakahiga na ang ginang nang dumating ang responde.
Bilang registered nurse, mismong si Cadiz ang nagpaanak sa ginang sa normal delivery subalit nabigla nang malamang kambal na lalaki ang dinadala ng buntis.
Inabot ng 30 hanggang 40 minuto ang pagpapaanak dahil suhi ang panganay o nauna ang paa nang lumabas habang madilim na ang paligid at tanging flashlight ng cellphone na lamang ang tanglaw.
Agad namang dinala sa Rural Health Unit of Aroroy para sa neonatal care and medical assessment ang mag-iina na pawang negatibo naman sa rapid antigen test.
Samantala sa labis na katuwaan ng ina, ipapangalan kay Cadiz ang isa sa kambal at kukunin pang ninong sa binyag ng mga ito.