LEGAZPI CITY – Paunti-unti na umanong naibabalik sa normal ang biyahe ng mga fastcraft vessel sa Matnog Port sa Sorsogon matapos na maayos na ang napinsalang bahagi ng adjustable vessel ramp.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Matnog Port Manager Achilles Galindes, naayos na ang ajustable ramp ng tatlong fastcraft vessel kaya’t madadagdagan na ang bilang ng mga bumibiyaheng barko.
Nasa 11 na ang fully operational vessels na may rutang patungo sa Visayas at Mindanao matapos na sumadsad sa walo hanggang siyam lamang nitong mga nakalipas na araw habang 14 naman ang regular na ship calls.
Ayon kay Galindes, tiyak na mababawasan na ngayon ang mga stranded na mga rolling cargoes at pasahero.
Subalit prayoridad na maunang makabiyahe ang mga truck na may kargang relief goods na dadalhin sa mga biktima ng Bagyong Odette.
Sinabi ni Galindes, nakikipag-negosasyon na rin sa Philippine Navy kung maaring maglagay ng landing aircraft upang maibyahe lalo na ang mga natenggang relief goods.
Matatandaang batay sa tala, umabot sa daan-daang sasakyan at libo-libong pasahero ang na-stranded sa pantalan.