AFP, PNP kinumpirmang 1st Pinoy suicide bomber si Norman Lasuca na umanoy battered son
Kapwa kinumpirma ngayon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na ang isa sa dalawang suicide bombers na sumalakay sa kampo ng militar sa Indanan, Sulu ay isang Pilipino.
Ito ay batay sa DNA result na isinagawa ng PNP Crime Lab.
Pinawi naman ng PNP at AFP ang pangamba ng publiko sa posibilidad na magkaroon pa ng kahalintulad na insidente gayong may Pinoy ng naeenganyo nang gumawa ng suicide bombing.
Ayon kay PNP Spokesperson P/Col. Bernard Banac, walang dapat ikatakot ang publiko dahil may mga hakbang ng ginagawa ang militar at pulisya dito.
Sinabi ni Banac, ang pagsabog sa Indanan ay kagagawan ng Abu Sayyaf at walang direktang partisipasyon ang ISIS.
Paliwanag naman ni AFP Spokesperson BGen. Edgard Arevalo, ang unang kaso ng Pinoy suicide bomber ay magsilbing daan sa pagmulat sa panibagong kaisipan na iba na ang security environment ng bansa.
Itinuturing naman ng militar na isolated case ang pagsabog sa Indanan, pero tiniyak ng opisyal na gagawin ng security sector ang lahat para hindi na ito maulit pa.
Ibinunyag naman ni Arevalo na batay sa kuwento ng nanay ang Pinoy bomber na si Norman Lasuca na nasa mid 20’s ay biktima ng pagmamalupit o pagmamaltrato ng kaniyang sariling ama.
Kwento ng ina ni Norman na si Vilman Alam Lasuca binubugbog ng ama si Norman.
Taong 2014 ng maglayas ito sa kanila at nito lamang June 2019 ay nakita nila sa social media si Norman sa isang larawan na may ISIS flag.
Sa kabilang dako, sinabi ni Arevalo ngayong nag iba na ng tactics ang teroristang grupo, tiyak din na magkakaroon security adjustment ang AFP at PNP.
Ayon naman kay Banac, pinalakas nila ang kanilang intelligence monitoring, para labanan ang problema sa terorismo.
Naniniwala naman ang militar na ang dahilan kung bakit ito ginagawa ng teroristang grupo ay dahil nais nila i-discredit ang mga achievements ng AFP.